Himbing

Just thought it’d be nice.


 

Sa unang bukangliwayway

At bawat paghingang sumunod

Ikaw ang pangarap na ginisingan

 

Ang iyong mukha’y nasulyapan

Sa pagitan ng banaag na

Tumagos sa’king pilikmata –

Tila sinag na nguminginig

Sa ibabaw ng hamog

 

Ang banayad mong tinig

Na umaaliwiw ng mapaglarong lihim

Ay ang bulong ng amihan sa bagong araw

At ang alikik ng pagpukaw

 

Ang lamig ng umaga’y umiinog sa’ting paa

Habang hinahalo ang mainit na kape

Ang aroma ng sapin kagabi ay

Nakakapit pa sa’yong batok

At nararamdaman ko pa ang bakas ng

Iyong mga daliri sa’king baywang

 

Di ko pinangarap ang ganito –

Walang sinabi ang kama sa lambing mo

O ang kumot sa iyong init

Lumalambot ang kutson kung ika’y kayakap

At tumatahimik ang mundo sa dilim

Walang gabing mapanglaw sa’yo,

Walang bangungot na nag-iintay ‘pag humimlay

Sanlibong gabi ay masarap na idlip ‘pag katabi ka,

Sandaang taon ay bagong araw sa piling mo

Kahit puno ang isip, mapapahimbing ang tulog sa’yo

Kahit antok, sisigla ‘pag bumangon sa’yo

 

Habang nagtatagal, ang lamig ng umaga’y nagaalis

At naglalakas ang sikat ng araw

Nagbubutones ako at nagsasapatos ka na

Mayamaya, nawawalan ng tao ang bahay

At lilipas ang araw na ‘di tayo magkasama

Ngunit sa paglubog ng araw, sinasalubong natin

Ang gabi na nagiging atin

At habang naglalabas ang mga tala

Ang pagnanaginip natin ang nagdadala

Sa umagang ginagawang pangarap ang buhay

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s